Friday, September 11, 2009

Ang Daya ni Aya!

Ang Daya ni Aya!


Ang kamatayan ay isa sa mga paborito kong sangkap na isinasama sa aking mga istoryang isinusulat. Ito ay isang isyu na nais kong talakayin sapagkat ito ay nauunawaan ng lahat. Ang kamatayan ay isang pangyayari na hindi dapat katakutan nino man. Ito ay marapat lamang na pag-usapan at paghandaan para madiin ang kahalagahan ng isang katapusan. Sa ating puso at isipan, kung mabubuksan ang ideyang balang-araw kailangan natin lisanin ang mundo at tuluyang na ngang mamamaaalam, hindi ba’t mas magiging makabuluhan sa atin ang pagsalubong sa bawat simulain na nagbubukas kasabay ng bawat pagsikat ng araw?

Ako si Gina, sampung taong gulang pa lamang subalit mataas na ang pangarap sa buhay. Sa kasalukuyan ay binabagtas ko ang landas patungo sa maliwanag na bukas at ito’y aking alay sa Diyos, sa aking pamilya at kay Aya. Importante sa akin ang bawat sandali at hindi ako magdadalawang-isip na tuparin ang isang habilin na nagmulat sa aking kamalayan tungkol sa napakaraming aral na mapapakinabangan ko upang gawing mas makabuluhan ang buhay.

Nagsimula akong magpahalaga sa mga simpleng bagay matapos kong makasama si Aya. Matalik kaming magkaibigan noon at sa tuwina’y magkasama sa lahat ng gawain. Sabay kaming pumapasok sa paaralan, sabay kumakain ng merienda, minsan ay magkatabi sa pag-idlip at karaniwang nangangarap sa piling ng bawat isa. Natatandaan ko pa ang sandaling nasabi niya sa akin na nais niyang maging artista sa kanyang pagtanda. Ako man ay naimpluwensiyahan niya sa pangarap niyang iyon. Dahil dito ay madalas kaming umaarte tulad ng mga tunay na artista sa pelikula. Subalit sa kalaunan ay napansin kong may kadayaan ang aking kaibigan. Tuwing kami’y umaarte ay palagi na lamang siya ang bida at ako naman ang gumaganap na konta sa kanya. Inuutusan niya akong sampalin at apihin siya. “Nakakainis!” Sa totoo, ayaw ko sanang maging kontrabida. Madalas sumakit ang aking palad tuwing sinasampal ko siya. Ang gusto niya kasi ay yung parang totoo. Pag pumatak ang kanyang luha, ang galing! Makatotohanan. Akala mo tunay na nakakaawa pero sa totoo, nakakainis talaga. Makasarili. “Ang daya niya.”

Mayaman sila Aya. Malaki ang kanilang tahanan na tila isang palasyo kung itatabi sa aming barong-barong. Lahat yata ng magagandang bagay ay nasa kanya na. Masarap na pagkain, malambot na kama, mamahaling damit at kung anu-ano pa. Pero teka, kaibigan ko nga pala si Aya. Oo nga at madalas kong nasasabi na madaya siya pero sa totoo, mahal na mahal ko siya. Marahil ay naiinggit lamang ako kaya ko siya nasasabihan ng masama.

Tuluyan na ngang nabura sa aking isipan ang negatibong pagkakakilala ko kay Aya. Sa tuwing magkasama kami ay lagi na akong masaya. Madalas ko pa nga siyang inaalalayan medyo mahina kasi ang kanyang pangangatawan. Tinutulungan ko siyang magbuhat ng mabibigat na aklat dahil hindi niya lubusang maiangat ang mga ito kung siya lang ang magbubuhat. Sinusuklayan ko rin ang mahaba niyang buhok at ako na nga rin mismo ang nagtatanggal ng mga nalagas na hiblang naipon sa mga ngipin ng kanyang magarang suklay. Nagtataka nga ako kung bakit sobrang daling mabunot ng kanyang mga buhok at isa pa, sobrang dali niyang magkapasa sa tuwing nabubunggo ko siya sa aming paglalaro. Dahil dito, hindi na kami umaarte gaya dati. Madalas ay nagkakasakitang lang kasi kami. Ayaw ko na siyang sampalin at itulak. Naaawa na talaga ako sa kanya. Kahit magalit pa siya sa akin, hindi ko na siya susundin. Sa totoo, nagtataka nga ako kung bakit nais niyang maapi sa aming mga laro samantalang sa tunay na buhay naman ay sobrang komportable ng kanilang mga nakagawian. “Sino ba naman ang mang-aapi sa tulad niya?” Wala talaga akong maisip. Tunay ngang masuwerte siya. “Sana ay ako na lang si Aya.”

Minsan isang hapon ay pinilit niya akong makipaglaro ulit sa kanya. Gusto ko din sana ang nais niya pero parang may kung anong pumipigil sa akin para gawin iyon. Napapansin kong maputla siya, tunay na nakaka-awa. Sabi ko nga maglaro na lamang kami ng titser-titseran o luto-lutuan pero ayaw niya. Mas gusto talaga niya ang pagaartista. Gusto niya yung ako na naman ang kontrabida. “Ano? Teka, sobra na, ayaw ko na! Ang daya daya niya.”

Simula noon ay hindi na kami nagpansinan pa. Lagi na lang akong nag-iisa at wala na rin akong masyadong balita tungkol sa kanya. Ang alam ko ay tumigil na siya sa pag-aaral. Hindi na nga siya lumalabas ng palasyo nila. Lagi na rin siyang may kasamang yaya sa minsanang pamamasyal niya. Minsan nakasalubong ko siya at nakakainis pagmasdan na pati paraan niya ng pagbibihis ay iba na. Lagi na siyang may suot na bandana sa kanyang ulo. Parang ayaw niyang makilala ng iba. Aha! Alam ko na, siguro ay tuluyan na nga siyang mag-aartista. Gusto niyang takpan ang kanyang mukha para naman masabik kaming mga kakilala niya sa kanyang itsura. “Ang daya talaga!” Pati ang aming pagkakaibigan ay kinalimutan na niya. Isang beses ay nakasalubong ko pa nga siya sa may plaza at aba nung nakita niya ako ay naiyak pa siya. “Bakit kaya?” Hindi ko tinanong. Baka sabihin niya gusto ko na namang makipaglaro sa kanya. “Ay alam ko na!” Hindi naman siguro tunay ang mga luha niya, umarte lang siya, marahil ay nageensayo sa nalalapit niyang pag-aartista.

Malapit nang sumapit ang kapaskuhan. Naaalala ko na naman ang aming napagsamahan. Gusto ko na makipagbati sa kanya. “Pero papaano kaya?” Nahihiya din ako at naiilang pero sige na nga, kakapalan ko na ang aking mukha. Magdadala ako ng regalo para kay Aya bago magpasko. Wala nga akong pera na pambili nito pero sige, hihingi na lang ako sa nanay ko.

Isang araw bago sumapit ang pasko ay tumungo na ako sa kanilang palasyo. Dala ko ang kapirasong tsokolate na ibinalot ko sa pahina ng lumang dyaryo. Kinakabahan ako sa mga oras na iyon pero wala na akong planong umatras pa sa balak ko. Mabilis kong pinindot ang doorbell. Ilang sandali pa ay binuksan na ito ng isa sa mga yaya ni Aya. “Maligayang pasko po!” Ang bati ko sa matanda sabay tanong kung pwede kong makausap ang kaibigan ko subalit wala daw si Aya sa loob. Iniwan ko na lang ang regalo ko para sa kanya at nagpaalam. Palayo ko na sanang tinatahak ang landas pabalik sa aming bahay nang may marinig akong tinig mula sa palasyo. Tila boses ni Aya. Tumigil ako at nakinig. “Pambihira! Nasa loob lamang pala siya ng bahay nila!” Aba, lumalakas ang tinig. Nagiging malinaw na ito sa aking pandinig. Nagpapabili siya ng wig. Ano naman kaya ang gagawin niya sa walang kwentang bagay na iyon? Alam ko na! Magyayabang na naman siya. Ewan ko ba! Basta ang mahalaga, alam ko na ang tunay na ugali niya. Ang yabang at sinungaling din pala. Ngayon ay tiyak ko nang madaya nga talaga si Aya.

Sumapit ang araw ng pasko. Malungkot ako at nagpasya na lamang na manatili sa loob ng aming barong-barong. Pilit kong inaalis sa isip ko ang nangyari kahapon. Masama ang loob ko at hindi ko kayang patawarin ang dating kaibigan ko. Sabi nila, ang pasko daw ay panahon ng pagpapatawad pero bakit mabigat sa loob ko na gawin ang tila simpleng bagay na iyon? Sumilip ako sa bintana ng aking kwarto at natanaw kong nag-iisa si Aya sa hardin nila. Tila malungkot siya at may malalim na iniisip. Maaawa na sana ako nang biglang nainis na naman ako sa kanya. Napuna ko na tila humaba ang buhok niya. Mukhang suot na niya ang wig na ninanais pa lamang niya kahapon. Ang bilis naman niyang makuha ang bawat mithiin niya. “Ako, hanggang pangarap na lang yata pero bakit siya… bakit ang daya?” Tuluyan na ngang nasira ang araw na sana’y puno ng tuwa at ligaya. May kung anong bigat sa aking kalooban at magulo ang aking isipan. Isa lang ang tiyak sa mga oras na iyon, hindi naging maligaya ang pasko ko. Nagtampo din ako sa Diyos. Masyado niyang pinagbibigyan si Aya subalit ni isang pabor para sa akin ay wala. Akala ko noon si Aya lang ang madaya. Nagkamali ako, si Hesus din pala.

Simula noon ay naging malungkutin na ako. Isang linggo akong hindi lumabas ng bahay at wala akong ginawa kung hindi ang magmukmok. Naisipan ko na lamang lumabas nung pagsapit ng bagong taon. Papunta sana ako noon sa plaza para aliwin ang aking sarili. Ilang hakbang pa lamang ako ay napansin kong medyo marami ang tao sa tapat ng bahay ng aking dating kaibigan. Maliwanag ang buo nilang kabahayan. Syempre! Bagong taon nga naman at dapat lamang silang magdiwang. Masagana ang buhay nila at nabibili lahat ng naisin nila. Pero teka, tila may kakaiba. “Bakit malungkot ang lahat ng kanilang mga bisita?” Bukas ang gate. May kung anong pwersa ang nagtulak sa akin upang muli kong isayad ang aking mga paa sa bakuran nila Aya. Nakaitim ang mga tao. Nakakatakot din ang sobrang daming ilaw na nakasindi sa bandang sala nila. Pagsilip ko ay may puting kabaong sa loob. Nanlamig ang pawis ko sa buong katawan. Kinabahan ako. Bumigat ang bawat hakbang ko papalapit sa kabaong. “Sino kaya ang namatay?” Takot ako sa bangkay pero sige, sisililip na nga ako.

Nagimbal ako sa aking nakita. “Patay na pala si Aya!” Wala na ang kaibigan ko. Napansin kong wala siyang buhok sa kanyang kabaong. “Kalbo si Aya? Ano po ang nangyari sa kanya?” Cancer daw sabi ng kanyang Mama. Pilit itinago sa akin dahil ayaw daw niyang malungkot ako sa nalalapit na paglisan niya. May inabot sa akin ang yaya ni Aya. Isang kahon na naglalaman ng sulat, wig at bandana. Ang sulat ay naglalaman ng pagpapaalam at paghahabilin. Nasabi niya rito na naiinggit daw siya sa akin dahil malusog ang aking pangangatawan at mayroong maliwanag na bukas na nakaabang sa aking mga pangarap. Hindi daw sapat ang yaman nila upang lumigaya siya. Hindi naman daw kasi lahat ay kayang bilhin ng pera. Inihabilin niyang ipagpatuloy ko ang aming pangarap. Sinuot ko ang wig. Sabi ni Aya ay gamitin ko daw iyon sa tuwing naalala ko siya. Bigla kong naramdaman ang init ng mga yakap niya. Nanghina ako at napaluhod. Kasabay ng pagbagsak ko ay tumulo ang aking luha mula sa mga mata ko. Dalangin ko na patawarin ako ng Diyos sa kamaliang aking nagawa sa Kanya. Akala ko’y hindi patas ang pagmamahal Niya para sa amin ni Aya. Nagkamali ako subalit ngayon ay natuto na. Gamit ang bandana ay pinunasan ko ang aking mga luha.

“Ang daya talaga ni Aya! Iniwan niya akong nag-iisa.” Nalungkot ako at nangulila subalit sa unang pagkakataon, nasambit ko ang linyang iyon na may ngiti sa aking mukha sapagkat alam ko na tunay na ngang mapayapaya at maligaya si Aya sa kanyang pagpapahinga.

Malayo pa ang landas na tatahakin upang makamit ang aking mga mithiin. Napagdesisyunan kong ipagpatuloy ang pangarap namin ni Aya. Maligaya ako sa tuwing naalala ko siya. Sa totoo, nasa puso ko pa rin ang kanyang alaala kaya nga dama ko na kailanman ay hinding-hindi na ako mag-iisa.

No comments:

Post a Comment