Friday, September 11, 2009

Kulay-Cory


Kakabit ni dating Pangulong Corazon Aquino ang kulay dilaw. Noong siya’y nabubuhay pa madalas siyang nagsusuot ng mga dilaw na bistida at iba pang gamit tulad ng pamaypay, bag at sapatos. Ang dilaw ay kulay ng pag-asa. Noong panahong ng diktaturyang Marcos si Cory ang naging pag-asa ng buong bansa. Siya ay naglakas-loob na kalabanin ang nanlilimahid na rehime ng diktador. Dilaw din ang kulay ng kasiyahan. Sino ba naman ang hindi naging masaya sa ginawa ni Cory para sa ating bansa? Hindi ba’t siya ang nagpanumbalik ng ilan sa mga karapatang pantaong ninakaw ng mga Marcos? Dahil sa kanyang mga kontribusyon sa ating bansa, kinilala siya bilang “Ina ng Demokrasya”.

Ang dilaw ay mainit na kulay. Sing-tingkad ng araw, si Cory ay nagsilbing liwanag sa panahon ng kadiliman. Siya ay madalas manindigan para sa katotohanan. Siya ay nagbigay ng gabay upang mas maunawaan ng mga Pilipino ang kahalagahan ng diwa ng pagsasama-sama. Ang kulay dilaw ay madalas din gamitin sa mga karatulang nagbibigay babala. Para sa kanyang mga kalaban sa pulitika, si Cory ay isang babala na palaging nakabantay sa kanilang mga maling gawain. Siya ay laging nakatutok sa katiwalian upang matiyak ang kapakanan ng bayan.

Sa maraming bansa, ang kulay dilaw ay may kaakibat na iba’t ibang kahulugan. Sa Ehipto, ang kulay na ito ay para sa mga yumao. Sa Hapon, kulay ito ng lakas ng loob at kadakilaan. Sa India naman, kulay ito ng kapayapaan. Sa buhay ni Cory, ang dilaw ay nabigyan pa nang iba’t ibang kahulugan. Bilang isang ina, ang kulay dilaw ay sumisimbolo sa pagbibigay gabay sa kanyang mga anak at pagpapatawad sa sino mang magkasala sa kanya.

Sadyang napakaraming kahulugan ng kulay dilaw sa ating buhay. Maaaring ito’y isang payak na kulay lamang para sa ilan subalit simula noong ito’y ginamit ni Cory sa maraming pagkakataon, ang dilaw ay naging kulay Cory. Kulay EDSA. Kulay ng pagkakaisa.

Noong ika-24 ng Marso taong 2008, ibinalita ng pamilya Aquino ang pagkakaroon ni Cory ng kanser sa bituka. Ang balitang ito’y nagpagimbal sa maraming taga-hanga at taga-suporta. Paano nga ba tayo lalaban sa iba’t ibang katiwalian sa pamahalaan kung wala na ang ina ng demokrasya? Sino na ang mangunguna sa mga dasal na humihingi ng awa sa Maylikha sa tuwing dadalawin ng malaking krisis ang ating bansa? Sino na ang magiging takbuhan ng mga Pilipino kung ang gobyerno ay nagsasamantala sa kapangyarihan niya? Wala ni isa sapagkat si Cory ay tunay na kakaiba.

Sabay-sabay ang maraming Pilipino sa mga panalanging humihingi ng kagalingan ni Cory sa kanyang sakit. Maraming lugar ang nabalutan muli ng dilaw upang ipahayag ang pagmamahal sa dating Pangulo. Kaliwa’t kanan ang mga misa na dinaluhan ng samut saring personalidad sa lipunan. Malinaw na ebidensiya na si Cory ay mahal ng Pilipino. Ang dilaw ay kulay din ng magandang kalusugan. Marami ang patuloy na umasa na gagaling pa siya at muling magbabalik sa gawaing pansamantala niyang iniwan noong siya’y nagkasakit. Walang gustong umamin na ang oras ni Cory ay nabibilang na lamang bago siya tuluyang mamaalam sa mundong ibabaw.

Noong ika-1 ng Agosto taong 2009, matapos ang mahigit isang taong pakikipaglaban sa sakit, umalingawngaw sa buong mundo ang balitang pumanaw na si Cory. Malungkot ang lahat at nagdalamhati sa pagkawala ng ating ina. Marami ang lumuha at dumagsa ang mga nakikisimpatya sa kanyang naiwang pamilya. Muling nangibabaw ang dilaw sa buong bansa. Naging kulay ito ng pagluluksa at pagdadalamhati.

Hanggang kailan natin maaalala si Cory? Oo nga’t tiyak na malilimbag siya sa kasaysayan ng ating bansa pero hanggang kailan magiging sariwa sa ating mga alaala ang kaniyang ginawang kadakilaan para sa Pilipinas? Sana’y habang may dilaw tayong nakikita sa ating kapaligiran ay may Cory na patuloy na pupukaw sa ating kamalayan. Kamalayan na ang mga Pilipino ay karapat-dapat, kamalayan na ang demokrasya’y kailangang alagaan.

No comments:

Post a Comment