Friday, September 11, 2009

Original: Ako at Ang Magic Alkansya

Ako at Ang Magic Alkansya


“Happy Birthday, Tinay!” masayang pagbati ng Ninang Judy ko.
“Tuloy po kayo, Ninang. Sayang hindi n’yo po naabutan si tatay at nanay!”
“Hindi na bale. O, heto ang regalo ko. Sana magustuhan mo!”
“Maraming salamat po!” sabay kuha ko sa isang kahon na nakabalot sa pulang palara.

Isang linggo na lang ay sasapit na ang ika-10 kaarawan ko pero wala pa ring pagbabago sa buhay ng pamilya ko. Si tatay, halos araw-araw pa rin umiinom ng alak kasama ang barkada niya sa kanto. Si nanay naman, sugal dito, sugal doon. Tila yata hindi sila napapagod. Ako? nasa bahay lang, hindi na rin kasi ako pumapasok sa paaralan. Saan naman ako kukuha ng pambayad?

Umiikot ang mundo namin sa paghingi ng mga kung anu-anong bagay na kailangan sa pang araw-araw na buhay. Konting bigas, mga sirang gulay sa palengke, lumang kumot ng kapitbahay, basag na tabo, lahat! Tila wala kaming mga magagandang kagamitan, puro naman kasi pinaglumaan. Minsan naisip ko, paano kaya paglaki ko? Parehong buhay din kaya ang makakagawian ko?

Alam ko na! Bubuksan ko na lang ang regalo ng Ninang Judy ko! “Ang bigat!” Sana magandang laruan ang laman, sana maraming tsokolate, sana magagarang damit! Subalit teka, mali yata ako ha… “Ay! Babasaging alkansya lang pala.” Lalagyan ito ng pera ha? Wala naman akong ganoon, hindi ba? Hay, buhay talaga!

Gabi na ay wala pa rin ang aking mga magulang. Sa totoo, wala namang bago sa pangyayaring ito, halos gabi-gabi naman akong nauunang matulog. Naisip ko, bakit kaya kami kapus na kapos? Bakit kaya ganoon ang mga magulang ko? Parang hindi nila ako mahal, parang wala silang pakialam sa nararamdaman ko.

Kinabukasan, gumising ako ng maaga. Araw ng linggo kaya magsisimba ako. Pagkatapos ng misa ay lumabas na ako upang maka-uwi ng maaga. Kumakalam na kasi ang sikmura ko noon, gutom na talaga ako. Subalit, ilang hakbang pa lang mula sa simbahan ay nandilim na ang paningin ko. Naramdaman kong bumagsak ako at napahandusay sa maruming kalsada.

Maya-maya pa, may mga narinig ako…

“Kawawa naman ang batang pobre.” “Limusan nga natin ang palaboy, baka hindi pa siya kumakain.” Sabay hulog ng limos sa aking kinahihigaan.

Ang kalansing ng ilang baryang iyon ay nasundan pa ng sunod-sunod na kalansing ng iba pa. Ramdam kong tumatama sa mura kong katawan ang bigat ng mangilan-ngilang piso na hinahagis sa akin ng madla. Malamang ay pinagkamalan nila akong pulubi, hindi nakapagtataka. Sadyang gula-gulanit ang mga damit-pangsimba ko, sadyang marumi ang aking balat, madungis ang mukha, at higit sa lahat napakapayat ng aking pangangatawan.

Ilang sandali lang ay nakabangon na rin ako. Nagsimula na akong humakbang ng dahan-dahan patungo sa aming barong-barong. Bitbit ko sa aking magkabilang kamay ang mga baryang inihagis sa akin ng mga tao. Sa puso ko ay may kapirasong ngiti, alam kong may mailalagay na ako sa alkansiya kong babasagin.

Bawat kalansing ng barya papasok sa aking alkansiya ay may kaakibat na tuwa mula sa aking mukha. “Wow! Ang dami naman nito.” Sa isang iglap ay biglang may pumasok na ideya sa isip ko. “Mamalimos na lang kaya ako?” Siguro pag sapat na ang pera ko, maaari na akong makapag-aral muli.

Kinabukasan, maaga pa lamang ay naglakad na ako papuntang simbahan. Puno ako ng pag-asa na muli akong makakakuha ng perang maihuhulog ko sa aking alkansiya. Naisip ko tuloy, buti pa ang mga taong hindi ko kilala, may awa. Samantalang ang tatay at nanay, wala. Tirik na ang araw subalit patuloy pa rin ang pagdagsa ng mga deboto sa simbahan. Mag-uumapaw na naman ang mga taong may malasakit sa tulad kong paslit.

Kinahapunan ay nagpasya na akong umuwi. Gusto ko pa sanang magtagal pa kahit sandali pero nandidilim na ang aking paningin. Marahil dahil sa tindi ng init. Lupaypay man ang aking katawan ay abot tenga naman ang aking ngiti. “Aba! Ang dami ko yatang perang maiuuwi.” Sa isip ko, baka bukas o sa makalawa, hindi na tanggapin ng alkasiya ko ang iba pang barya. Baka sumabog na siya sa bigat o di kaya’y umapaw na sa butas ang laman. Ang saya ko. Salamat sa Diyos!

Ilang araw pa ang lumipas at halos mapupuno na ang aking alkansiya. May kakaibang saya na aking nadarama sa tuwing nahuhulugan ko siya ng barya mula sa aking panlilimos. May kung anong magic yata ang dala nito sa buhay ko. Biruin mo, sa susunod na pasukan ay baka makapag-aral na ako dahil dito. “Pero teka, bukas na pala ang kaarawan ko! Babatiin pa kaya ako ng mga magulang ko?” Malamang nakalimutan na nila ito.

Kinabukasan ay muli akong bumalik sa simbahan, hindi upang mamalimos kung hindi upang magpasalamat naman sa Diyos. “Salamat po sa magic alkansiya ko.” Hindi pa ko tapos manalangin nang bigla na lang nanlambot ang mga tuhod ko at tuluyan na ngang bumagsak sa sementong sahig ng simbahan. Hindi ko na alam ang sumunod na nangyari. Nawala na ako sa aking sarili.

Pagkagising ko ay mahina pa rin ang aking katawan. Nakita ko ang aking sarili na nakahiga sa mismong kama ko. “Ano po ang nangyari?” Hinimatay daw pala ako sa simbahan sabi ni Ninang Judy. Buti daw at may nagmagandang loob na tumulong sa akin upang buhatin ako pabalik sa amin. “Nasan po sina tatay at nanay?” Gaya ng dati ay wala sila sa bahay.

Ilang sandali pa ay may napuna akong tila kakaiba. Teka, totoo ba ‘to o isang panaginip? “Bakit basag na ang magic alkansiya???” Kihuha daw ni tatay ang pera upang ipambili ng gamot na magpapanumbalik sa lakas ko. “Bakit ang perang pinaghirapan ko pa? Paano naman ang mga pangarap ko?” Iyak ako ng iyak.

Agad akong pinatahan ni Ninang Judy at maya-maya pa ay dumating na rin si tatay at nanay upang kamustahin ang kalagayan ko. Batid ko ang kanilang pag-aalala para sa akin. Ramdam ko na hangad nilang manumbalik na muli ang aking lakas. Dahil rito, tumahan na rin ako sa aking pag-iyak. Parang sapat nang malaman ko na mahal din pala ako ng aking mga magulang.

Simula noon ay lagi na akong binabantayan ni nanay. Madalas na rin siya magluto ng masasarap na ulam at paminsan-minsan ay nakikipaglaro pa siya sa akin. Si tatay naman ay madalas pa ring wala sa aming tahanan. Sa pagkakataong ito, hindi na siya nakikipag-inuman sa kanyang mga kaibigan. Sa halip ay namamasukan na siya bilang isang trabahador sa bayan.

Isang araw, kinausap ako ng aking mga magulang. Humingi sila sa akin ng tawad sapagkat napabayaan daw nila ako at hindi nasubaybayan. Hindi na raw ako kailangang mamalimos pa upang makapag-aral dahil sapat naman na daw ang sweldo ni tatay para makapasok na ako sa paaralan sa susunod na pasukan.

Basag na ang aking magic alkansiya. Wala na akong malalagyan pa ng pera. Ubos na rin ang ilang baryang naipon ko noon. Subalit sa totoo lang, hindi ko na ito pinanghihinayangan. Masayang masaya na ako sapagkat buo na muli ang aming pamilya. Ngayon ay maipagmamalaki ko na mahal na mahal na ako ng aking ama at ina.

Salamat magic alakansiya! Galing sa iyo ang perang ipinambili ng gamot noong nagkasakit ako. Salamat din at tinuruan mo akong mangarap at magsumikap. Higit sa lahat, maraming salamat sa panahong sinamahan mo ako sa aking kalungkutan. Ngayong basag ka na, kailangan na kitang itapon. Magpahinga ka na at ipinapangako kong habambuhay kita dadalhin sa aking alaala. Habang itinatapon ko si alkansiya sa basurahan ay alam kong ang magic ay pilit pa ring nagpapaiwan. Ipinikit ko ang aking mga mata at dinama ko siya. Kinuha ko ito at isinilid sa loob ng aking puso’t kaluluwa. “Wow! Ang galing naman pala! Ang magic ay hindi kailanman mawawala!”

No comments:

Post a Comment