Friday, September 11, 2009

Revised Edition: Alkansya

Alkansya


“Happy Birthday, Tinay!” masayang pagbati ng Ninang Judy ko.
“Tuloy po kayo, Ninang. Sayang hindi n’yo po naabutan si Tatay at Nanay!”
“Hindi na bale. O, heto ang regalo ko. Sana magustuhan mo!”
“Maraming salamat po!” sabay kuha ko sa isang kahon na nakabalot sa pulang palara.

Ako nga pala si Tinay. Ilang araw na lamang ay sasapit na ang ika-10 kaarawan ko pero wala pa ring pagbabago sa buhay ng aming pamilya. Simula’t sapul ay dito na kami nanirahan sa aming barong-barong sa gilid ng riles ng tren. Mahirap at masalimuot ang aming buhay. Si tatay, malungkot pa rin hanggang ngayon dahil sa pagkakatanggal niya sa trabaho at dahil dito, araw-araw na siyang umiinom ng alak kasama ang mga barkada niya sa kanto. Minsan kasi siyang nagtrabaho sa isang pagawaan ng patis sa bayan. Napagdiskitahan daw siya ng may-ari ng kumpanya kaya sinibak ora-orada. Si Nanay naman, nagrebelde na kay Tatay at inihumaling na niya nang tuluyan ang sarili sa pagsusugal. Sa isip ko, tila yata hindi sila napapagod. Ako? Nasa bahay lang, hindi na rin kasi ako pumapasok sa paaralan. Saan naman ako kukuha ng pambayad?

Umiikot ang mundo namin sa paghingi ng mga kung anu-anong bagay na kailangan sa pang araw-araw na buhay. Konting bigas, mga sirang gulay sa palengke, lumang kumot ng kapitbahay, basag na tabo, bunging suklay, lahat! Tila wala kaming mga magagandang kagamitan, puro naman kasi pinaglumaan. Minsan naisip ko, paano kaya paglaki ko? Parehong buhay din kaya ang makakagawian ko?

Ay oo nga pala! Bubuksan ko na muna ang regalo ng Ninang Judy ko! Ang bigat! Sana magandang laruan ang laman, sana maraming tsokolate, sana magagarang damit! Subalit teka, mali yata ako ha… “Ay! Babasaging alkansya lang pala.” Aanhin ko naman ito? Eh di sana, kung laruan ito, may pagyayabang na ako sa mga kaibigan ko, o di kaya naman ay tsokolate, para makatikim naman ako. Nakaka-inis naman. Matutulog na lang ako ng maaga upang maski papaano’y bahagyang makaiwas sa aking problema.

Kinabukasan, gumising ako ng maaga. Araw ng linggo kaya nagsimba ako. Pagkatapos ng misa ay lumabas na ako upang maka-uwi nang maaga. Kumakalam na kasi ang sikmura ko noon, gutom na talaga ako. Subalit, ilang hakbang pa lang mula sa simbahan ay nandilim na ang paningin ko. Naramdaman kong bumagsak ako at napahandusay sa maruming kalsada.

Maya-maya pa, may mga narinig akong mga tinig mula sa aking paligid. “Kawawa naman ang batang pobre. Limusan nga natin ang palaboy, baka hindi pa siya kumakain.” Sabay hulog ng limos sa aking kinahihigaan.

Ang kalansing ng ilang baryang iyon ay nasundan pa ng sunod-sunod na kalansing ng iba pa. Ramdam kong tumatama sa mura kong katawan ang bigat ng mangilan-ngilang piso na hinahagis sa akin ng madla. Malamang ay pinagkamalan nila akong pulubi, hindi nakapagtataka. Sadyang gula-gulanit ang mga damit-pangsimba ko, sadyang marumi ang aking balat, madungis ang mukha, at higit sa lahat napakapayat ng aking pangangatawan. Hindi nga naman kasi malalayo ang aking hitsura sa mga batang namamalimos sa kalsada. Gustuhin ko man bumangon ay tila hindi ko naman maigalaw ang aking katawan.

Buti na lamang at napadaan si Ninang Judy at ang kanyang asawa na si Ninong Gorio. Inalalayan nila akong bumangon. Bago tuluyang lumakad papalayo ay pinilit ko munang pulutin ang mga barya. Bitbit ko sa aking magkabilang kamay ang mga perang inihagis sa akin ng madla. Sa puso ko ay may kapirasong ngiti, alam kong may mailalagay na ako sa alkansiya kong babasagin.

Pagdating sa bahay agad akong pumasok sa aking silid. Isa-isa kong hinulog ang mga barya sa aking alkansiya. Bawat kalansing ng barya papasok ay may kaakibat na tuwa mula sa aking mukha. “Wow! Ang dami naman nito.” Sana’y sapat na itong pera ko para ako’y makabili ng bagong gamit. “Salamat po Panginoon sa alkansiyang ito.” Hindi pa ko tapos manalangin nang bigla na lang nanlambot muli ang mga tuhod ko at tuluyan na ngang bumagsak muli sa sementong sahig ng aking silid. Hindi ko na alam ang sumunod na nangyari. Nawala na ako sa aking sarili.

Pagkagising ko ay mas mahina na ang aking katawan. Nakita ko ang aking sarili na nakahiga sa mismong kama ko. “Ano po ang nangyari?” Hinimatay na naman daw pala ako sabi ni Ninang Judy. “Nasan po sina Tatay at Nanay?” Gaya ng dati ay wala sila sa bahay.

Ilang sandali pa ay may napuna akong tila kakaiba. “Bakit basag na ang alkansiya?” Kinuha daw ni Tatay ang pera upang ipambili ng gamot na magpapanumbalik sa lakas ko. Hindi ko napigilang umiyak. Masama ang loob ko.

Agad akong pinatahan ni Ninang Judy at maya-maya pa ay dumating na rin si Tatay at Nanay upang kamustahin ang kalagayan ko. Batid ko ang kanilang pag-aalala para sa akin. Ramdam ko na hangad nilang manumbalik na muli ang aking lakas. Dahil rito, tumahan na rin ako sa aking pag-iyak. Parang sapat nang malaman ko na mahal din pala ako ng aking mga magulang.

No comments:

Post a Comment