Friday, September 11, 2009

Personal Essay: SALAMIN

Salamin

Sibsib na ang dilim subalit nakasisilaw pa rin ang liwanag na nagmumula sa mga gasera nang kumpul-kumpol na tindahan sa gilid ng bangketa. Ramdam nang bawat pedestrian ang pagmamadali ng kapwa nila at kasabay nito ay ang pagkainip naman ng ilang mga taong lulan ng mga sasakyang halos napako na sa lansangan dahil sa tindi ng trapiko. Bawat isa ay may dahilan kung bakit sila kailangang makipagsiksikan sa magulo at mabahong lugar na iyon. Hindi alintana nino man ang panganib at peligrong nakaambang umatake ano mang oras sa mga taong may mahihinang pangangatawan at loob.

Lumaki ako sa isang lugar na tahimik. Mayroong sapat na mga puno’t halaman na nagpapanatili nang preskong hangin sa kapaligiran. Ang mga tao’y may sapat na oras upang gampanan ang kani-kanilang tungkulin. Hindi siguro ganoon karami ang kailangang gawin sa araw-araw kung kaya’t ang kanilang mga kilos ay walang ano mang bakas ng pagmamadali. Subalit sa hindi kalayuan ay may isang lugar na may kabaliktaran na katangian – ang Litex.

Madalas magsikip ang daloy ng trapiko sa kalsada ng Litex na matatagpuan sa Commonwealth Avenue. Isa itong pamilihan na dinarayo ng marami nating kababayan dahil sa mga murang paninda na mabibili dito. Sa unang tingin pa lamang ay mababakasan na ang kahirapan ng mga tao sa lugar na ito. Maingay ang kapaligiran. Ang pinaghalo-halong tinig na nagmumula sa mga tumatawad na mamimili, nanggagalaiting tindera ng isda, busina ng barumbadong tsuper ng dyip at silbato ng pulis na may tinutugis na snatcher ng cellphone ay bumubuo ng isang orkestra ng ingay na tiyak makadadagdag sa init ng ulo sa sino mang makakarinig nito.

Sa sulok-sulok ay may mamamataang mga bulubundukin ng basura na nangangalingasaw na ang amoy. Nakadaragdag pa sa suliraning ito ang pangangalkal ng mga batang basurero. Kada bungkal nila na masasabayan ng bugso ng hangin ay tiyak na lalong magpapasingaw sa amoy na galing sa kailaliman ng tambak. Isang singhot lang nito ay husto na upang bumaliktad ang sikmurang kanina pa nag-aalburoto.

Sa kabila ng mga suliraning ito, hindi makakaila na ang mga taong nagsisiksikan sa Litex ay kakikitaan pa rin ng determinasyon na labanan ang kahirapan. Hindi mawawala ang ngiti sa kanilang mga mukha na nagpapatunay lamang na sumisibol pa ang pag-asa. Ang mga Pilipinong ito ay nagsisikap na itaguyod ang kani-kanilang pamilya. Ang palatandaan nito ay ang buhay na buhay na komersiyo na naglalayong punan ang pangangailangan ng bawat tao, tindera man o mamimili.

Posibleng masalamin ang kaunlaran ng isang bansa sa kaledad ng kanilang mga pamilihan. Ayon kay Senador Manny Villar, masusukat daw ang antas ng pamumuhay sa Pilipinas sa pamamagitan ng masusing pag-aaral sa tunay na kalagayan ng mga mahihirap nating kababayan. Opo, masalimuot nga ang Litex. Subalit tigmak nga ba ang buong bansa sa kahirapan?

Sa araw-araw kong pagsilip sa Litex na nadaraanan sa tuwing ako’y papasok sa unibersidad, kapuna-puna ang lumalalang sitwasyon ng buhay ng mga Pilipino dito. Kamakailan ay tila may napansin akong lalong nagbigay kurot sa aking puso. Napuna ko ang isang matandang ale na nagtitinda ng mga gula-gulanit na mga bag na halatang napulot lamang niya sa basurahan. Natulala ako sa aking nakita. Subalit ang aking pagkatulala na iyon ay napalitan maya-maya ng pagkabigla. Nagulat ako nang may isang ale na bumili sa tinderang iyon. Dinampot niya ang kulay ubeng bag na halos naging singkulay na rin ng lupa sa karumihan at sabay abot ng kakarampot na barya bilang bayad. Imbes na itago ng tindera ang baryang inabot sa kanya ay dali-dali siyang kumaway sa mamang nag-iihaw ng isaw sa ‘di kalayuan. Bumili siya ng isang stick nito at agad nilantakan. Umandar na ang aking sinasakyan.

Dahil sa aking mga nakikitang sitwasyon at kaganapan sa lugar na iyon ay hindi ko na maiwasang hindi obserbahan ang kapaligiran sa tuwing ako’y mapapadaan dito. Pilit kong inuunawa kung bakit kailangang magtinda ng mga gamit na pinaglumaan na ng iba. Hinahanapan ko rin ng dahilan kung bakit kailangang pabayaan ng ilang mga nanay ang kanilang mga supling na magbungkal sa mabahong basurahan. Bakit may mga taong kayang masikmura ng pagkaing itinitinda sa gilid mismo ng nanglilimahid na imburnal? Dahil lang ba ito sa kahirapan?

Kung ang lahat ng bagay sa mundo ay may kadahilanan, ang masikip at mabagal na trapiko siguro sa Litex ay ang nagbibigay ng pagkakataon sa sino man na silipin ang buhay ng ating mga kababayan doon. Ito ay isang salaming magbibigay linaw sa kung saan natin pupulutin ang ating sarili kung hindi tayo kikilos upang makamtan ang tunay na pagbabago. Huwag nating antayin na tuluyan na tayong kainin ng matinding kahirapan, mailibing sa mga basurang tayo mismo ang may gawa, manakawan ng isang snatcher ng pag-asa at mabingi sa mga sarili nating panaghoy.

Buti na lamang at hindi ako nakatira sa Litex. Subalit kamakailan lang, noong kami ay napadaan sa dati’y malinis na talipapa sa aming barangay, may mga pamilyar na bagay akong namataan. Isang tumpok ng mga kupas na damit na itinitinda sa gilid ng bangketa. Isang burol ng basura na inaakyat-baba ng isang musmos. At isang pulis na tila nagmamanman sa isang snatcher ng cellphone.

No comments:

Post a Comment