Friday, September 11, 2009


Mga Koloreteng Kupas Ng Makulay Na Mariposa


Si Bobby ay abalang-abala sa pagpapaganda sa mga mamamayan ng Barangay Sta. Lucia. Siya ay isang parlorista na may edad sitenta. Sa bilis ng kanyang kamay sa pagupit ng buhok gamit ang kalawanging gunting at sa bawat pilantik ng kanyang mga daliri sa tuwing siya’y magpapahid ng kanyang mga lumang kolorete sa mukha ng kanyang mga parokyano, hindi mo maipagkakailang ang pagpapaganda sa kapwa ay hindi lamang isang hanapbuhay para sa kanya. Ito ay isang buhay na ikinabit na ng panahon sa kanyang sistema. Isang buhay na punong-puno ng kulay at ganda.

Sa unang tingin pa lamang sa kanya ay hindi mo na maitatangging siya’y isang bakla. Siya’y balot sa mga makukulay na bistidang yari sa kukurtinahing tela. Ang kanyang kulot na buhok na tila pinaliguan ng pulang tina ay sinasabitan niya ng mga bulaklak na yari sa plastik o makikintab na ipit na tila hiniram pa niya sa kung sinong reyna sa isang kwentong pantasya. Ang talukap ng kanyang mga mata ay halos pabagsak na sa bigat ng mga palamuting pilik-mata. Minsan ito’y kulay lila. Minsan naman ito’y dilaw. Ngunit ang pinakamadalas na kulay nito ay pula na tiyak akong itiniterno n’ya sa kanyang kulay pula ring mga labi. Minsan, makikita mo siyang halos singputi na ng isang amerikana sa kapal ng pulbos na itinapal niya sa kanyang nangungulubot na pisngi. At sa tuwing siya’y parating na, maririnig mo na ang yabag na nagmumula sa kanyang nabubulok na bota na wari mo’y pinaglumaan ng mang-aawit na si Mystica at masisinghot mo ang sangsang ng kanyang mumurahing pabango.

Si Bobby ay nakatira sa mismong parlor niya. Sa loob nito ay mapupuna mo ang kalumaan ng lugar. Puno ito ng mga lumang gamit na binubulok na rin ng panahon. Ang kaniyang mga palamuti na nakalagak sa sulok-sulok ng silid ay nagmimistula ng tahanan at imbakan ng pinagpatong-patong na alikabok at agiw, tanda na matagal ng panahon ang lumipas mula noong ito’y huling nadampian ng basahang pamunas. Sa kabila nito, patuloy pa rin ang pagdagsa ng mga tao upang magpaganda sa tulong niya. Ang lumang silid ay nagmimistulang isang paraisong parisukat na dinarayo ng madla upang makadaupang palad ang isang makulay na mariposang paikot-ikot sa paligid ng bawat bisita.

Si Bobby ay hindi tamad. Wala lamang siyang panahon na gumawa pa ng ibang bagay maliban sa pag-aasikaso sa mga taong handang magbayad upang pagandahin niya. Marami ang bilib sa kanya dahil maituturing na siyang beterano sa larangan ng kanyang hanapbuhay. Mataas talaga ang respeto ng mga tao sa kanya.

Simula’t sapul ay ganoon na ang nakagawian niya bilang isang parlorista. Sino man ang tanungin, hindi malayong sabihin na hindi nagbago ang kanyang itsura. Ayun nga lang, medyo kapuna-puna na ang bahagyang pagkupas ng kanyang ganda. Mababakasan mo sa kanyang postura ang pagod na naipon niya sa mahabang panahong pagtatrabaho. Hindi na siya makatayo ng tuwid. Ang matikas niyang postura noon ay tila lumayas na sa kanyang nanghihinang katawan. Halatang may mga iniinda na siyang sakit sa kaibuturan ng kaniyang kalamnan na pilit pa rin niyang ikinukubli sa pamamagitang ng paggamit niya ng mga koloreteng katulad niya’y nababawasan na rin ng tingkad at kinang.

Sa loob ng kanyang paraiso ay may isang kahon ng kayamanan na nakakubli. Sa loob nito ay ang mga kagamitan ng mariposa na ginagamit niya sa pagpapaganda sa kanyang sarili at sa iba. Marumi ang mga ito at halatang pinaglumaan na subalit mahal na mahal pa rin ni Bobby ang mga ito.

Sa paligid ng kanyang paraiso ay naglipana na ang ilang mga bagong bukas na parlor na pinangangasiwaan ng mga mas nakababatang bakla. Sa unang tingin pa lamang ay malayong-malayo na ang itsura ng mga ito kay Bobby na nagsisimula nang matigmak ng katandaan. Sila na ang mga makabagong paruparo na naglalayong magpaganda sa bagong henerasyon. Sa kabila nito, ayaw pa rin magretiro ng pinakamatandang mariposa. Ayaw niyang iwanan ang kanyang mga nasimulan.

Sa paglipas ng ilang dekada ng pagpapaganda, hirap na ang kanyang manipis na katawan sa pakikipag sabayan sa kanyang mga kakumpitensiya. Sa kabila ng kanyang pagtanggi na tumigil sa pagtatrabaho, tadhana na siguro ang kusang gumawa ng paraan upang mamahinga siya. Kamakailan lamang, tinupok ng sunog ang parlor niya. Nakita ng madla ang mariposa na nakatitig sa inabong paraisong parisukat na kumanlong sa kanya sa loob ng mahabang panahon. Wala siyang bitbit na kahit na anong bagay maliban sa isang kahon na naglalaman ng kanyang mga pampaganda.

Sa kasalukuyan, nakikita na lamang si Bobby na naglalakad sa kalsada suot ang mga mas payak ng kasuotan. Sa kabila nito ay litaw pa rin ang kanyang kagandahan. Pinatitingkad ito ng respetong inilalaan sa kanya ng mga tao at hindi ng mga koloreteng kupas at pinaglumaang bistida.

Sa panahong ito, ang kanyang mga pakpak ay kailangan na sigurong lumipad ng mataas na mataas papunta sa kung saan man siya dapat muling mamayagpag.

No comments:

Post a Comment