Friday, September 11, 2009


De-Takong


Takaw-tingin ang pagsusuot ko ng mga sapatos na may matataas na takong. Ang mga gamit kong ito ay mahalaga sapagkat napupunan nila ang mga bagay-bagay na sa tingin ko’y may kakulangan pa sa aking buhay. Bukod dito, nagbibigay diin din ito sa mas malalim na pag-unawa sa mahahalagang bagay na kailangang pagtuunan ng pansin. Maliban sa pang-proteksyon sa aking mga paa, ang mga sapatos kong ito ay tinatrato ko ring mga kaibigan na maaasahan sa ano mang pagkakataon. Sila rin ay nagsisilbing inspirasyon upang magpursige akong gawing mas makabuluhan ang aking buhay.

Nagsimula akong nagkaroon ng hilig sa mga sapatos na may takong noong ako’y nasa high school. Iniregalo sa akin ng ate ko na nagtatrabaho noon sa Canada ang kauna-unahan kong sapatos na ayon sa aking Nanay ay tila masyado naman raw itsurang-pandalaga. Kulay Rosas ang sapatos na iyon na may malaking laso sa gitna. Ang mga takong nito ay may dalawa’t kalahating pulgada ang taas at kasing nipis lamang ng isang stick ng yosi. Halos nanlumo ako sa oras na iyon noong ako’y hindi mapahintulutan. Bata pa lamang ako’y pangarap ko na talaga na magsuot ng sapatos na de-takong sapagkat tila may kung anong mahika ang mga ito na may kakayahang baguhin ang aura ng sino mang babaeng nagsusuot nito. Para silang nagiging mukhang mas maganda, sexy at mayaman. Napansin ng Nanay na nanghinayang ako. Sinabihan na lang niya ako na maaari ko naman raw gamitin ang sapatos na iyon sa tamang oras at pagkakataon. Sa isip ko, kailan naman kaya ito?

Bakasyon noon at ako’y katatapos pa lamang sa aking ikalawang-antas nang maisipan ng aking mga magulang na ako’y pag-aralin sa ABS-CBN Center for Comminication Arts ng Personality Development at Modeling. Ito na ang naging hudyat upang magkaroon ng katuparan ang aking kagustuhan na maisuot ang aking de-takong na sapatos. Kabilang sa kurso ang pagtuturo sa amin ng tamang paraan ng paglalakad gamit ang mga ganitong uri ng sapatos. Sa una’y talagang mahirap at nakakatakot sapagkat kailangan ko pa talagang maging mas ma-ingat upang hindi matalisod o madulas. Tila nangalit ang bawat masel ko sa paa sa pagbabalanse at dahil rito, madalas akong magpahid ng Omega Pain-Killer sa aking mga binti sa tuwing ako’y uuwi na sa amin. Ang hirap pala magsuot ng sapatos na de-takong. Mahirap subalit masarap. Masarap sapagkat pakiramdam ko, ako’y tunay na mas matangkad at mas kinagigiliwan ng lahat.

Ang una kong pares ng de-takong na sapatos ay nagsimula nang dumami nang damami. Nagkaroon ako ng iba’t ibang uri at disenyo. May simple at mayroon ding mga kakaiba ang itsura at ang iba ay tunay na magagara. Inaamin kong malaki na ang nagastos naming pera sa pagbili ng mga ito. Dahil rito ay sobrang ingat na ingat ako sa pag-aalaga ko sa kanila at talagang ikinakahon ko pa muli ang mga sapatos matapos ko silang gamitin sa maghapon.

Marami ang humanga sa akin. Ang iba kong kaklase ay nagsimula na ring bumili ng sapatos na de-takong upang gumaya marahil. Pakiramdam ko, hindi ako maliit. Ang aking mga binti ay parang humaba’t naging balingkinitan. Ang aking likod ay naging mas tuwid na nagpaganda sa aking tindig at postura. At ang aking paglalakad parang umayos din. Halos lumulutang lamang ang pakiramdam na para bagang tinatangay ng hangin. Gustong-gusto ko talaga ng mga ganitong uri ng sapatos. Hindi lamang sila pamporma. Kaya rin nila magbigay sa akin ng saya.

Pero may nagbago nga ba sa buhay ko dahil sa mga de-takong na ito? Parang wala naman siguro. Oo, inaamin kong maliit ako at totoong tumatangkad ng bahagya dahil sa mga ganitong sapatos. Subalit, kahit pa may kakulangan ako sa tangkad noon, hindi kailanman ito naging balakid upang makamit ko ang aking mga pangarap. Hindi rin naman kayang ibigay ng mga paborito kong sapatos ang permanenteng tangkad. Parang hinihiram ko lamang nang panandalian.

Noong una, akala ko mas magiging mataas ang kompiyansa ko sa aking sarili sa pagsusuot ng de-takong. Inisip ko na kung ako’y mas magiging matangkad, baka mas dumami pa ang aking mga kaibigan. Pero tila may hindi ako napansing ilang bagay. Ano nga naman ang magagawa ng sapatos upang baguhin ang aking pagkatao? Wala namang utak ito upang bigyan ako ng mas maraming talino. Wala rin naman silang mga bibig na kayang makipagkaibigan sa mga mabubuting tao. Wala itong puso na kaya akong isakay patungo sa mga pangarap ko.

Patuloy akong bibili at magsusuot ng mga sapatos na de-takong. Bakit? Sapagkat magaganda ang mga ito. Tapos. Gusto ko sila dahil sumasaya ako sa tuwing ang mga ito’y ginagamit ko. Bakit? Muli, sapagkat magaganda ang mga ito. Tapos. Mahahalaga nga ba ang mga ito? Maaari. Sapagkat tandang-tanda ko ang pagnanasa ko noon na gamitin ang una kong pares ng de-takong. Sobra-sobrang kagustuhan, na noong oras na makamtan ko na sa wakas ang pagkakataon kong makamit iyon, lubos ang aking tuwa.

Sa aking buhay, masasabi kong ang mga pangarap ay tunay na mahalaga. Sila’y nagbibigay inspirasyon at pag-asa. Balang araw, kung magkakaroon ako ng mas matatayog na pangarap sa buhay, alam kong makakamit ko rin ang mga iyon, sa tamang oras at pagkakataon. Tulad ng aking de-takong noong ako’y nasa high school.

No comments:

Post a Comment